ipinapanghilamos ko ang luha sa umaga,
ginagawang panata ang mga pasaning aking dala;
o tadhana, hanggang kailan ako makikipagtawaran,
at kailan mo ako bibigyan ng isang patas na laban?
buksan ang mga mata, saki'y 'wag magbulag-bulagan
hinanakit sa mundo'y tila wala ng katapusan;
ikumpas ang iyong kamay ng ako'y madisiplina,
at maituwid ang bumabaluktot kung tigang na paniniwala
'di na yata nawala sa uso ang mga problema,
parang sakit pag 'di binigyan pansin ay lalong lumalala;
may ibang nagpapaka superhero, lahat daw ay kaya,
ngunit sa apat na sulok ng kwarto, palihim ngumangawa
hayaang hanapin ang sagot sa mga katanungan
hayaang matuto ako't pasyensiya mo'y pakihabaan;
hayaang suyuin kita sa paraang alam ko,
at hayaang mga matang 'to, tititig lang para sayo.
hanggan kailan ba ako mangungumbinsi,
pagbigyan ang mga tao, kalimutan ang sarili?,
hanggang kailan ba ako dapat umintindi
wala bang magkukusa, ako na lang ba lagi?
pakiusap dahan-dahan, konting pagiingat naman,
pakiusap saglit lang, hapo na ang aking katawan;
nalulunod na ako sa mga binabatong pang aakusa,
baka pwedeng ako'y iahon, pasigaw ng *tama na!*
'di alam kung hanggang kailan ako tutunganga,
'di alam kung may babalik o lahat sumuko na;
anong silbi ng kontrata kung sa bibig lang gawa,
ni ang nakatalang mga pangako, kung marami nakapirma?
No comments:
Post a Comment