tanong nila sakin, ba't daw ako nagsusulat
patulan kahit mga papel na nakakalat;
nagtitiyaga daw sa nagtatae kong pluma
kahit ba ang itchura nito'y pambalot na ng tinapa
hindi ko naman daw ito ikakayaman
o ikababago ng antas ko sa lipunan
walang saysay at aksaya lang daw sa tinta
walang matinong maisulat at isa daw basura
ba't di daw ilingon sa mas makabuluhang bagay
at itigil ang paghalik sa papel na walang buhay;
itawid ko daw ang kawawang ligaw kong diwa
sa mundo kung sa'n dapat dilat ang aking mga mata
masasakit na paratang pawang may katotohanan
ngunit sa papel humihilik ang mga obrang pinagpaguran;
oo marahil hindi 'to natutumbasan ng anong halaga
at tila hasa ang dila mo sa ganitong pangmamata
susulat ako habang may espasyo akong makikita
dugyot man ito sa paningin mo, anong pake mo ba?
naniniwala ako na ito'y pinagdaanan din nila
sila na mga tanyag na at gawa'y isinasapelikula
wala akong balak iangat ang ulo ko sa lipunan
at may nakaambang panganib na ako'y mapugutan,
kahit may isa lang na magtitiyagang ako'y subaybayan
gigising ako ng may ngiti at patuloy na siya'y susulatan
totoong hindi ako nito kayang ilangoy o iligo sa pera
o ihiga sa yaman kung sa'n may ilan lang ang may kaya,
ngunit di mo rin naman ako kayang buhayin ng iyong mga salita
at di ko hahayaang sunugin mo ang kapirasong papel, kung sa'n ako humihinga.
No comments:
Post a Comment