Kabilang ako sa mga taong umaasa,
kabilang ako sa masang pangangakuan ng plataporma,
sa kamay man daw natin sila’y umaasa,
ngunit bakit kami’y kanilang dinadaya?
Pangako nila’y sa ganitong pamamaraan,
Ito naman si Juan, ay biglang nasiyahan;
“kung pag-unlad ba’y hindi namin mamasamain,
Ngunit pakiusap, sana ‘wag niyo na kaming gutumin..”
Pagpalagay natin, oo ramdam ng iba,
Ang pag-unlad at pag-ahon ng ating bansa,
Hindi ko man lalahatin ang pagdaramdam namin,
Prayoridad sa bansa inyo sanang liwanagin.
Nakaririnding akusasyon at mga bangayan,
walang tigil ng mga kung anong kaanumalyahan,
Utang na loob, tagapaglingkod ng bansa,
Buksan ang tenga’t pagmasdan ang madla.
Kayo ang pundasyon at nakatataas sa bayan,
Lingunin niyo kami’y sa kabila ng inyong katanyagan;
Kami ang mga punla’t supling ng pamilya ni Juan,
Na sa inyo nakasandal, malasakit niyo’y aming kailangan.
Ngunit hindi ko rin naman maipagkakaila,
Sa mga kapatid kong uhaw sa hustisya;
Ayokong magmalinis, ‘wag niyong subukang itanggi,
Na kung ano ang inyong pinunla, lason kung ito’y mamunga.
Hindi ko isisisi ang magulong pamamahala,
Hubad na katotohana’t kawalan ng disiplina,
kung walang pagtanggap ng mga kamalian,
ano na lang ang aasahan namin maging kayo man?
Isulong ba kamo ang pagbabago sa lipunan?
o pulbusin ang kamandag ng mga katiwalian,
Ako’y napapaisip na lang sa maduming pamamalakad,
Sa pagkamit ng pagbabago, kanya kanya tayo kung maglakad.
Wala akong karapatan sisihin ang sinuman,
Ni ang pagpataw ng tamang kaparusahan,
Ngunit, pinuno ng mga pinuno sa ating bayan,
hanggang kailan niyo matitikis ang ganitong kalagayan?
No comments:
Post a Comment