Wednesday, October 7, 2009

PABALAT NG ATING PAGMAMAHALAN

sinubukan kong tanawin ang ating nakaraan
mula sa panahon, kita'y unang nasilayan,
ngumiti ako't ika'y aking pinagmasdan
ang laki ng pagbabagong ating napagdaanan.

mula sa malayong mundo na ating pinagmulan
magkaibang puso'y parehong naghihilom sa nakaraan
hindi ko inaasahan sa aking paghahanap
kamay mo ang panghahawakan, sayo ngayo'y nakayakap.

hindi man seryoso ng ito'y sinimulan
nakaraan pari'y laging binbabalikan,
nasaktan sa pag-ibig, nagbulag-bulagan,
sa katotohanang ikaw pala saki'y nakalaan.

naabuso ko ang pagmamahal na sa akin binigay,
tinalikuran ma't iniwasan puso'y di rin napalagay,
naguluhan sa takbo ng oras, na ating pinanggalingan
ngunit ng makapag-isip, ako'y may napagtantuan.

inisip ko ang hiling bago dumating dito,
mula sa itaas, pinalangin ko ng husto,
na sa pagtapak ng mga paa, sa bawat hakbang nito
ay makita't makilala, ang taong hinihintay ko.

ako'y dismayado sa aking paghihintay
di ko makita ang kalahati ng aking buhay;
inabot ng ilang taon bago ko napagtantuan
na ang taong hinihintay ko ay ang nasa aking harapan.

ako'y naging bulag, naging mapaghanap pa
ngunit isang biyaya ng ika'y ipagkatiwala,
hiniling ko muli't nagpasalamat sa kanya
wag kang ilayo at ika'y aaalagaan ko pa.

nasaksihan ko ang mga hirap mo sa akin
nararamdaman ko kung paano mo ako mahalin;
andyan ka sa panahong sukdulan ang aking ugali,
hindi ako iniwan, nagtiis, makita lang ako nakangiti.

alam ko parin ang pakiramdam, lihim ng ating iwasan
nagkukubli sa galit, pag-ibig di'y mapagsigawan;
mga pagkakataong huwad na ngiting pinapakita
sa pagtatagong selos ang namumuo buhat sa mata mo'y na sa iba.

naalala ko rin ang pagsasama natin
na kahit hindi tayo, pinipilit kitang angkinin,
na sa mata ng madla kita'y tinatalikuran,
iniwasan ang lahat ng bulung-bulungan.

malaking kasalanan ang nakabaon sa nakaraan
maraming katanungan ang wala paring kasagutan,
ang lihim ng nakaraan na sa atin namagitan
ay ang iniingatang alaala na hindi ko ipagpapalit man.

tama na ang usapin sa ating nakaraan
sapat na yung pundasyon sa ating pag-iibigan,
hayaan mo naman ngayon ating pagusapan
sa loob ng isang taon, tayo'y muli nasubukan.

naalala ko ang gabi ng mapag-usapan natin
ang pag-ibig na lihim na nararamdaman parin;
ng ako'y biglang yakapin at labi mo'y dumampi,
sa iyong paglisan ay bigla akong napahikbi.

naiinis ako dahil ikaw pa ang lumapit
nasaktan kita dahil puso ko'y pinagkait;
ngunit dahil ikaw lang ang laman ng aking isipan,
kaya't ang pagkakataong, kita'y muling panghawakan.

hindi ko na inisip ang bulung-bulungan
salita ng iba'y, ako'y diktahan man,
kung kasalanan man ang tingin ng iba
ako'y nakahandang sayo'y magkasala.

ang masarap na pakiramdam, kita'y laging kasama
ngiti mo'y nasisilayan, mata mo'y na sakin na,
dahil pag-ibig natin ay totohanan na
singsing na naibigay upang di ka kumawala pa.

kung kailan tayo'y muling nagkasama na,
bakit tadhana'y, ika'y nilayo pa;
panandaliang ika'y mananatiling malayo
isang parusang tinganggap, binalik kang buo!

hindi naging madali, pero ika'y inaasahan
bumalik saking piling di sana panandalian;
ang hirap kalabanin sa kinaroroonan mo
isla't karagatan ang pagitan ko sayo!

sayong pagbalik, sa muling pagkikita
pangako sa sarili, di ka na mawawala,
na kahit pilit tangayin sa aking piling
unos ng problema'y aking susuungin.

dumating din ang pagkakataon, tayo'y muling nasubukan
nagawang magsawalang kibo, itong kasinungalingan,
na kahit humantong sa matinding hiwalayan,
pinilit kong magpakabuti, kahit tiwala ako'y nawalan.

hindi ko makakayanang ako'y iwan dahil sa kanya
isang kasalanang matagal ko ng tinama,
na kahit mahirap pero ito'y nararapat lamang
na mahalaga sa magkasintahan ang katapatan

pagsasamahan ma'y laging sinusubukan
problema'y sadyang wala ng katapusan;
kaya sa aking pagpapasya, akin ng inamin
sa mata ng ina, saktan ma'y titiisin

tama na ang mahabang panahong pagtatago
ika'y nararapat na makilala ng mundo;
wala akong kinatatakutan kung ito'y kamalian
dahil ikaw mismo ang tumama at ang aking kasagutan.

kung ma'y nagbabalak na tayo'y sirain
subukan na tayo'y pilit paglayuin;
tama na ang lahat na aking iniwan
para ika'y makasama ko hanggang sa katandaan.

sa loob ng limang taon ng ating pagsasama
sa kabila ng saya, lungkot maging sa pagdurusa;
ikaw lang ang mahal ko ang nagpabago sa takbo ng aking kapalaran,
na minsa'y di ko pinagsisihan, dahil alam ko,
sa pagsasamahang ito'y walang nakatakdang hiwalayan.

No comments:

Post a Comment