tayo'y isinilang sa mundong walang daan
sa unang mulat ng mata'y, walang maanigan
pandinig na kay lakas, walang mapakinggan
tunog na naririnig, di nati'y maintindihan.
mulat ang mga mata sa kamay ng mga bandido
sa dahas na kanilang dala, ulo nati'y nagsiyuko;
alipin sa sariling bayan, bakit nagkaganun pa,
bakit 'di magsipag-uwi, pamunuan ang kanila!
sa yaman ng kaban, sino ang nakinabang?
sa kagalingan at karunungan, sino ang pinagkaitan?;
hindi ba't sa lupain ng Pilipino ito nakatadhana,
ngunit tikom ang bibig, sunod na lang sa kanila.
nakakabinging hiyaw ng ating mga bayani,
sa pakikipaglaban, buhay ma'y masawi;
dala nila sa bayan ang armas ng pag-ibig,
makalaya lang sa mga dayuhang manlulupig.
nahimlay sa parang ng katapangan,
nag-aalab na damdamin sa bukal ng kabundukan;
dugong mandirigma sa ilog pumapagaspas,
puntod nila'y kikilalanin, panahon ma'y lumipas.
natuldukan na ang magulong pinagmulan,
magsisimula muli mula sa labi ng digmaan
ilaw ng pag-asa, pagmasdan mo kaibigan,
tamis ng pagbangon, atin ng paunlakan.
ako man di'y hindi naiiba sa kanila,
lihim ding itong diwa kong umaasa;
mapakinggan ang saloobin 'king kinukubli,
sa mata ng madla, ako'y iniisantabi.
kung sa nakaraan nati'y uhaw sa kalayaan,
bawat galos at sugat ay nakayang alpasan;
paano ko ipapaintindi sa kanila,
kung kabuktutan ang kanilang paniniwala?
ang ating katawan ay alipin ng kaisipan.
diktahan mo man ang dapat gawin,
ipakita ang tunay na damdamin,
kung pananaw ng iba, ika'y aayawan din.
kung iba sa kanila dahas ang ginagawa,
upang kalayaan ay kanilang matamasa
ako tulad ni Rizal, sa pluma ihahabla,
ang nakatagong damdamin, na sa iba'y minamata.
hindi man ako kayang maintindihan,
o kahit ako'y mapakinggan man,
hindi ako mamumuhay sa anino ng iba,
ako'y uusbong din, tulad ng butong naipunla.
iba't-ibang paraan man ang ating ginagawa,
upang makamit ang napagkaitang laya
kutyain man ng iba ang sa tingin mo tama,
ihabla mo sa kanila ang baluktot nilang paniniwala.
No comments:
Post a Comment